St. Francis of Paola Parish in Mabini Batangas

Archdiocese of Lipa

Talambuhay ni San Francisco ng Paola

      Si San Francisco ng Paola, isa sa pinakadakilang mapaghimala sa kasaysayan ng Simbahan, ay ipinanganak sa Paola, isang maliit na bayan sa Calabria, Italya, noong ika-27 ng Marso 1416. Ayon sa mga naninirahan sa pinagpalang lugar na iyon may nakita silang misteryong apoy sa bubungan ng bahay na bumati sa pagsilang ng “santo” at tila nagpapahayag ng magiging buhay ni San Francisco ng Paola - isang naglalagablab na apoy, apoy ng pagmamahal. Minahal ni San Francisco ng Paola ang Diyos ng higit sa lahat. Ang kanyang motto ay “Charitas”, salitang Latin na ang ibig sabihin ay Pag-ibig. Siya ay taong lubhang mapagmahal sa kontemplasyon at ang tanging hangad lamang niya ay ang maging “pinakaaba sa sambayanan ng Diyos.”


         Pero nang siya ay tawagin ng Santo Papa, Sixto IV, sa aktibong paglilingkod, ginampanan niya ito ng may kababaang-loob at kanyang naimpluwensiyahan ang pamamahala ng ilang lugar sa kanilang nasasakupan.


Ang kanyang pamilya ay salat sa materyal na bagay, pero napakayaman naman sa  espirituwalidad. Tunay na karapat-dapat sa ganoong klase ng kayamanan. Ang pinagsamang kristiyanong kabanalan na pinagyaman ni San Francisco at ang espesyal na tawag ng Diyos, ang nagtulak sa batang ito na maging isang dakilang namumuno. Sa edad na 14, siya ay nagdesisyong iwan ang kanilang tahanan, at tulad ni San Juan Bautista, namuhay sa isang kuweba sa ilang na lugar, mga isang milya ang layo mula sa kabayanan. Ang kanyang natatanging pagkain ay gulay na kanyang kinukuha sa kalapit na kakahuyan. Ang kanyang layunin ay hindi ang iwasan ang ibang tao at takasan ang panganib ng kamunduhan kundi ang umiwas sa distraksiyon upang kanyang ihanda ang sarili sa masidhi at malawakang misyon sa kanyang mga kapatid.
Bago siya mag-20 taong gulang kanyang tinanggap ang kanyang unang tagasunod na pumunta sa kanya upang tularan ang kanyang pamumuhay. Makalipas ang ilang taon, kasama ng kanyang mga disipulo, itinatag ni San Francisco ang kanyang walang rangyang komunidad. Nais niyang makilala bilang pinakaaba sa sambayanan ng Diyos at tinawag niya ang kanyang mga tagasunod na Minims, ang “mga pinakamaliliit”.
Ang kababaang-loob ang naging palatandaan ng kanyang mga kapatid kung paanong ito ang palatandaan ng kanyang buhay.

 Ibinaba niya ang kanyang sarili at siya naman ay itinanghal ng Diyos ng higit sa lahat. Ang lahat ay napapailalim sa kanya – tao, hayop at kalikasan ay sumusunod sa kanya. Siya ay isa sa pinakadakilang mapaghimala sa kasaysayan ng Simbahan. Ang kanyang pangalan ay tanyag sa buong Europa.

Ang “Charitas” (Pag-ibig) ay siyang susi ng lahat sa buhay ni San Francisco. Ang pag-ibig na ito ang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob na magsalita para sa karapatang pantao sa harap ng hari ng Napoles sa pagpanig niya sa mga inaaping nasasakupan ng hari. Sa palasyo ng hari ng Pransiya, kung saan siya ay pumunta sa kahilingan ng Papa Sixto IV, ang pag-ibig ding ito ang nagtulak sa kanya na tulungan ang hari, Louie XI, na noo’y may malubhang sakit. Gusto ng hari na siya ay maghimala at pahabain pa ang kanyang buhay. Ganoon pa man, ang malasakit ng taong banal na ito ay ang panibaguhin lamang ang hari sa kanyang masamang gawi at akayin siya sa pagpapakasakit. Si San Francisco ng Paola ay nagtagumpay at nagawang impluwensiyahan ang daloy ng buhay-pulitika sa bansa. Kanyang natulungang mapanumbalik ang kapayapaan sa pagitan ng Pransiya at Britanya at sa pagitan ng Pransiya at Espanya.

Bukod sa banal na panata (vow) ng Karukhaan, Kalinisan at Pagsunod, ipinag-utos ni San Francisco sa kanyang mga

 tagasunod ang ikaapat na panata, ang Pampalagiang Kuwaresma, na lubusang nagbabawal sa pagkain ng karne at lahat ng nagmumula rito tulad ng itlog at gatas. Kanyang nauunawaan na ang magiting na pagpapakasakit ay kinakailangang paraan para sa espiritwal na paglago. Ang taimtim na pangako na ito na kanyang itinatag na Order ay binigyang pahintulot ni Papa Alejandro VI at binigyang katiyakan ni Papa Julio II noong ika-28 ng Hulyo 1506.

Si San Francisco ng Paola ay namuhay sa Pransiya ng maraming taon, at sa tulong ng hari, ang kanyang pangalan ay lalong naging tanyag at lumaganap sa buong Europa.

Noong ika-2 ng Abril 1507, Biyernes Santo, si San Francisco ng Paola ay namatay sa palasyo ng hari ng Pransiya.

Noong taong 1513, itinalaga siya bilang isang Pinagpala (Beato). At noong 1519, makalipas lamang ang 12 taon pagkamatay niya, siya ay itinanghal na Santo ni Papa Leo X.

Noong ika-27 ng Marso 1943, itinalaga siya ni Papa Pio XII bilang makalangit na Pintakasi ng mga Italyanong mandaragat; at noong ika-2 ng Hunyo 1962, ipinahayag siyang pangunahing Pintakasi ng Calabria. Lumaganap ang pamimintuho sa kanya sa buong daigdig; malaki at magagandang simbahan ang itinayo sa kanyang karangalan, pinipintuho siya bilang Santo ng Pag-ibig at Himala.